Namatay sa pagamutan sa Malolos, Bulacan ang isang taong nag-amok na kinuyog ng mga residente matapos walang habas na nanaga ng ilang mga biktima.

Sa ulat ng "Unang Balita," sinabing naisugod pa sa ospital si Joel Santos ngunit kalauna'y namatay din.

Sa paunang ibestigasyon ng mga pulis, walang habas umanong nanaga si Santos gamit ang pantabas ng damo at nanaksak gamit ang kusilyo sa bayan ng Malolos.

Nagawang kuyugin ng mga residente si Santos dahil sa galit sa kaniyang ginawa.

"Lahat ng makita, 'yung nakamotor, karamihan ng nataga nakamotor. Pinagkaguluhan ng mga tao dito eh," ayon sa isang saksi.

Napag-alamang bago mag-amok ay nakaalitan ni Santos ang kaniyang ina na si Juanita Antonio dahil lang sa ulam.

Makikita pa ang mga pasa sa mukha ni Antonio, mula raw sa panununtok ng suspek, ayon sa ulat.

Muntik na rin daw siyang masaksak ng kaniyang anak, pahayag ng ina. Mabuti nalamang umano at nakapagtago lang siya sa ilalim ng kama.

Dati na raw nakulong ang kaniyang anak dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga at pananaksak.

"Wala naman akong magagawa sa batang 'yan nagrerebelde noon pa 'yan," pahayag ng ina. —LBG, GMA New