Patay ang isang security guard ng isang condominium building nang barilin ng nakaalitan niyang kapwa guwardiya sa Cebu City. Ang suspek, iginiit na hinamon siya ng barilan at suntukan ng biktima.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Romy Bejasa. Kusang-loob naman na sumuko sa pulisya ang suspek na si Roy Etcobañez.

Ayon kay Police Officer 1 Jason Gabucan, nagulat sila nang biglang pumasok sa kanilang himpilan si Etcobañez na dala ang 9mm na baril at sinabing susuko siya dahil sa napatay niya ang kaniyang kasamang guwardiya.

Giit ni Etcobañez, nadala lang daw siya dahil hinamon umano siya ng barilan at suntukan ni Bejasa.

Napag-alaman na wala pang lisensya bilang security guard si Etcobañez, at sa Enero pa siya nakatakdang sumailalim ng seminar.

Sinabi naman ng isa pang guwardiya na may alitan na ang dalawa bago pa mangyari ang krimen.-- FRJ, GMA News