Isang retiradong pulis ang nasawi matapos pagbabarilin ng isang salarin sa kaniyang pawnshop sa Tagum City, Davao del Norte. Pero nasawi rin ang salarin matapos na gumanti ng putok at makipagbarilan ang kasamang pulis ng biktima na nakasibilyan.
Sa ulat ni RGgil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril sa Osmeña St sa Tagum City noong Martes ng hapon.
Ayon sa pulisya, pinasok ng hindi pa nakikilalang salarin ang pawnshop ng retiradong pulis na si Simplicio Samar Jr. at biglang pinagbabaril ang biktima na kaagad nasawi.
Nagkataon na nandoon din ang kaibigang pulis ni Samar na si Police Officer 3 Eduardo Bajalla, na nakasibilyan at gumanti ng putok sa salarin.
Matapos ang palitan ng putok na umabot sa kalsada, nasawi ang salarin habang nagtamo ng tama ng bala sa tiyan si Bajalla pero nakaligtas.
Patuloy ang imbestigasyong pulisya sa nangyaring pamamaril para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa salarin.-- FRJ, GMA News
