Isinugod sa ospital ang isang 10-anyos na babae sa Villanueva, Misamis Oriental dahil sa tinamong lapnos sa ilang bahagi ng kaniyang katawan matapos sumabog ang naka-charge niyang tablet.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing nalapnos ang magkabilang braso at hita ng bata.
Mahimbing daw na natutulog ang bata at iba pa niyang kasama sa bahay nang mangyari ang insidente. Nasunog din ang kuwarto ng biktima.
Hinala ng kaanak ng biktima, peke ang charger ng tablet kaya sumabog.
Kaya payo nila sa publiko, huwag bumili ng peke at huwag iwang naka-charge ang gadget.
Paliwanag ng technology editor na si Art Samaniego, "Ang mga battery kasing ginagamit ng mga telepono ngayon tinatawag siyang lithium ion. Pero ang problema sa bateryang ito, 'pag na-puncture siya o nasugatan highly pressurized siya puwede siyang sumabog."
Dapat umanong huwag iwanang naka-charge ang gadget sa maiinit na lugar, at huwag itong iiwan sa dashboard ng sasakyan na maiinitan.
Hindi rin umano dapat inilalagay ang cellphone o gadget sa ilalim ng unan habang naka-charge. --FRJ, GMA News
