Tatlong babaeng Grade 6 students ang nakaligtas sa tangkang pagdukot sa kanila sa Iriga, Camarines Sur, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes.
Naglalakad daw ang tatlo papasok nang may mapansin silang isang puting van at pagkatapos ay hinarang sila ng limang lalaking walang pang-itaas.
Isa sa tatlo ang nakatakbo palayo habang pilit namang isinakay sa van ang dalawang naiwan. Nakatakas lang ang dalawa matapos nilang sipain at kagatin sa kamay ang mga suspek.
Ayon sa isang biktima, may nakita siyang dalawang batang nakahiga at hindi gumagalaw sa loob ng van.
Nagdulot daw ng takot sa mga magulang ang nasabing insidente.
Bunsod nito, pinag-igting ang visibility ng mga barangay tanod sa lugar habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.
"Para sa mga magulang, mag-doble ingat po at bantayang maige ang mga bata lalo po't kapag papasok at uuwi galing sa paaralan," ani Police Corporal Marisol Paloma ng Iriga City Police. —KBK, GMA News
