Patay ang isang lalaking nasa bangketa matapos siyang salpukin ng isang pampasaherong jeepney na nawalan umano ng preno sa Mandaue City, Cebu.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng RTV-Balitang Bisdak sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Elbert Dela Cruz Chan, na isang engineer.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay Guizo, makikita ang biktima at isang babae habang nasa bangketa at naghihintay ng masasakyan.
Ang babae, saktong nakasakay na sa pinara niyang jeep nang dumating ang jeep na nawalan umano ng preso at nasalpok si Chan.
Naipit pa raw ng sasakyan ang nasawing biktima. Dalawang sakay din ng jeep ang nasaktan.
Nasa kostudiya naman ng Mandaue City Traffic Unit ang driver ng nakaaksidenteng jeep na si Renato Llanos.
Paliwanag umano ni Llanos, nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan.
Mahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries. --FRJ, GMA News
