Halos hindi na makilala ang isang beauty pageant contestant na isa ring student teacher sa Iloilo dahil sa ginawang pambubugbog sa kaniya ng lalaking nahuli niyang gumagawa ng kahalayan sa kaniyang tabi.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, makikitang namaga at may mga sugat ang mukha ng 21-anyos na biktima, na taga-Mina, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na natutulog ang biktima sa kaniyang kuwarto nang pasukin siya ng suspek na si Angelo Panes, 19-anyos.

Laking gulat na lang ang biktima nang magising at makita sa tabi ng kaniyang kama si Panes habang may ginagawa umanong kalaswaan.

Nang sumigaw para humingi ng saklolo ang biktima, dito na raw pinagsusuntok ng suspek ang dalaga sa mukha na halos himatayin na sa inabot na gulpi.

Nagtangka pa raw ang suspek na lumusot sa sirang bintana para makatakas pero nahuli rin siya ng mga residente.

Hindi naman makapaniwala ang ina ng biktima sa sinapit ng anak. Nanawagan sila ng tulong at hustisya para sa biktima na nagpapagaling pa sa ospital.

Nakakulong naman si Panes na napag-alamang may kapansanan sa pagsasalita at pandinig.

Nahaharap siya sa patong-patong na reklamo. -- FRJ, GMA News