Inireklamo ng Mactan Airport ang pagpapalipad ng saranggola malapit sa kanila matapos na mamataan ng isang piloto ang isang saranggola na sobrang taas ang lipad.
Natanggap ng Mandaue City Police ang reklamo ng paliparan nitong Biyernes, ayon sa ulat ni Nikko Sereno sa News To Go nitong Martes.
"May report galing sa isa sa mga piloto na naka-detect na may saranggola daw silang nadaanan sa area. Also, na-detect rin through radar na tumawag sila kaagad sa atin dito sa Mandaue Police," sabi ni Police Major Mercy Villaro, information officer ng Mandaue City Police Office.
Anang otoridad, lubhang mapanganib ang magpalipad ng saranggola malapit sa mga paliparan dahil puwedeng sumabit ang mga ito sa eroplano at iba pang sasakyang panghimpapawid.
Matatandaang siyam na tao ang nasawi nang bumagsak ang isang Huey helicopter ng Philippine Air Force sa Lapu-Lapu City noong 2007, kung saan isa sa mga tinignang anggulo ay ang pag-iwas ng helicopter sa mga nagliparang saranggola sa lugar.
Sinubukan ng pulisya na tuntunin kung malapit sa Mactan Airport ang nagpalipad ng saranggola ngunit hindi na nila ito nahanap.
"Positively, may nakita tayo sa Looc area. Mga bata na nagpapalipad ng saranggola. Although hindi ito 'yung sinasabi nilang around 700 feet. Pero sinabihan pa rin namin 'yung mga bata," ani Villaro.
Sinabi ring hindi mabuti ang pagpapalipad ng saranggola sa mga siyudad o sa mga lugar na maraming tao dahil maaari itong sumabit sa mga linya ng kuryente.
"Sasabit kasi ito tapos magi-spark, resulta 'yung transformer na 'yung puputok. Nakaka-cause ng damage kasi kung malaki 'yung saranggola, makapal din 'yung nylon," ayon naman kay Police Colonel Julian Entoma, hepe ng MCPO. —Jamil Santos/KBK, GMA News
