Minasama daw ng 13-anyos na suspek sa pagpatay sa mag-ina sa Lubao, Pampanga ang panenermon ng nakatatandang pinsan na buntis kaya niya ito pinagsasaksak, pati ang anak nitong apat na taong gulang lang.
Ayon sa ulat sa GMA News TV "QRT" nitong Lunes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na pinagsabihan ng ginang na biktima na buntis din ang kaanak niyang suspek dahil sa labis daw na paglalaro ng computer games.
"Base sa mga interbyu po natin, yung suspek ay pumasok daw po dun sa bahay at napagalitan, nasabihan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jerry Corpuz, hepe ng Lubao police.
"Nakauwi pa raw yung bata sa bahay nila. Nung pagkagising, meron daw siyang naririnig na bulong... So after nun, dun na nangyari," dagdag pa niya.
Duguan at wala nang buhay nang datnan ng padre de pamilya ang kaniyang asawang buntis at anak nilang apat na taong gulang nitong Linggo.
Sinabing galing sa pagtitinda ang padre de pamilya nang madiskubre niya ang bangkay ng kaniyang mag-ina.
Nasa kustodiya na ng Lubao social welfare office ang suspek na menor de edad. —NB, GMA News
