Isinugod sa ospital ang anim na magkakaanak dahil sa pagsusuka at pagkasira ng tiyan matapos umanong kumain ng itlog na maalat sa San Carlos, Pangasinan.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabi ng mga biktima na labis silang nangamba sa kanilang naging karanasan.

"Akala mo mamamatay ka na kasi tuloy-tuloy 'yung pagsusuka," sabi ni David Alvarida

"Sobrang takot namin kasi sobrang sakit ng tiyan. Tapos nagsusuka, tapos dumudumi nang maraming tubig," dahdah naman ni Maria Elissa Alvarida.

Dinala ang mga biktima sa Pangasinan Provincial Hospital at naagapang lumala pa ang kanilang kondisyon na hinihinalang insidente ng food poisoning.

Ayon sa eksperto, dapat suriing mabuti ang pagkain bago kainin dahil madaling mapanis ang mga pagkain ngayong sobrang init ang panahon.

"Unang-una diyan is 'yung pag-prepare ng ating pagkain. Panatilihin nating malinis ang ating kamay, malinis ang paglalagyan ng ating mga pagkain. Lalong-lalo na sa storage," sabi ni Dr. Stachys Neil Espino, medical officer III, PPH. -- FRJ, GMA News