Nalunod ang isang 15-anyos na dalagita sa Camarines Sur habang inililigtas ang kanyang nakababatang kapatid at isa pa, sa pagkalunod sa ilog.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes ng umaga, kinilala ang biktima na si Cyrene Soriano sa bayan ng Nabua.

Namasyal umano sina Cyrene kasama ang nakababatang kapatid at mga kaibigan sa may ilog.

Naisalba niya ang kaniyang kapatid at isa pa sa pagkalunod, ngunit hindi siya nakaligtas.

Kwento ng nakababatang kapatid ni Cyrene, muntik na siyang malunod at ang isa nilang kaibigan nang matangay sila sa malalim na bahagi ng ilog.

Sumaklolo ang kaniyang ate pero sa kasamaang palad ay siya naman ang tuluyang tinangay ng tubig hanggang sa malunod.

Ayon kay Magdalena Soriano, ina ni Cyrene, ayaw sana niyang payagang magpunta sa ilog ang mga bata.

"Ayaw ko po sana, nagmamadali, nauna na po 'yan," pahayag ni Magdalena.

"Hindi pa nga tapos yung sinasampay ko may naghahanap na kung umuwi na daw po. 'Yun pala nalunod na 'yung anak ko," dagdag niya.

Dinala pa sa ospital si Cyrene pero idineklarang dead on arrival, ayon sa Nabua police. —LBG, GMA News