Patay nang manlaban umano ang most wanted na drug suspect sa Cebu City nang subukang arestuhin ng mga otoridad kamakailan.
Ayon sa ulat ni Alan Domingo sa Balita Pilipinas Ngayon, kinilala ang napatay na si Gerlie Luage ng Barangay Basak sa San Nicolas.
Nasawi rin ang kasamahan niya na hindi pa tukoy ng awtoridad ang pagkakakilanlan. Pero ayon sa pulis, bodyguard daw ito ng suspek.
Ayon sa pulisya, nagsilbi umanong interim leader si Luage ng drug group na dating pinamumunuan ni Steve Go na namatay sa pamamaril sa loob ng Mandaue City Jail, Hunyo nitong nakaraang taon.
Matagal na raw nilang tinutugis si Luage dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga.
Nitong Martes sa Toledo City, patay naman sa pamamaril ang pulis na nagsagawa ng surveillance sa mga aktibidad ni Luage na si Police Master Sergeant Junard Cinco.
Hinihinala ng pulisya na ginantihan si Cinco ng sindikato.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Cinco. —Joviland Rita/NB, GMA News
