Iginapos at sinugatan sa ulo ng dalawang magnanakaw na nanloob sa isang bahay ang isang dalaga sa Urdaneta City, Pangasinan.
Sa ulat ni Bernadette Reyes Sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nakitulog lang sa bahay ng kaniyang tiyuhin ang 17-anyos na biktima para gumawa ng project at napansin daw niyang may ibang tao sa bahay bandang alas-dose ng hatinggabi.
Bukod sa paggapos, nilagyan din ng packaging tape sa bibig ang biktima at sinugatan sa ulo gamit ang karit.
Nalaman na lang daw ng kagawad na tiyuhin ng biktima ang insidente matapos mapasigaw ang misis niya nang makita ang kalagayan ng kanilang pamangkin.
Ayon sa biktima, nanlaban siya pero nakuha pa rin ng mga suspek ang P500 at cellphone niya.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na gumamit nang panungkit ang mga magnanakaw para mabuksan ang kandado ng pinto ng bahay.
"Masasabi natin na 'yung suspect, hindi naman galing sa malayong lugar kasi alam 'yung pasikot-sikot sa bahay. At the same time, alam niya din na may tao doon na puwedeng biktimahin," ayon kay Police Lieutenant Roberto Reyes mula sa Urdaneta Police.
Nagpapagaling pa ang biktima habang tinutugis pa rin ng mga pulis ang mga suspek. —Dona Magsino/LBG, GMA News
