Timbog ang isang lalaking nurse na tulak umano ng ipinagbabawal na gamot sa Iriga, Camarines Sur.

Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Martes, hinalughog ng mga pulis ang bahay ng suspek na si Ramil Buquid.

Aminado ang nurse na gumagamit siya ng droga pero itinanggi niya ang paratang na tulak siya.

"Hindi po ako nagbebenta, mamatay man pamilya ko, mamatay man ako ngayon. User lang ako. Gumagamit lang ako, I admit," paliwanag ni Buquid.

Arestado rin sa operasyon ang kasama niyang si Jomar Buasan na nasugatan pa sa paa matapos subukang tumakas.

Inamin ni Buasan na tambayan daw ng mga bumabatak ng shabu ang bahay ni Buquid.

Nakuha sa ilang lalagyan ng pagkain ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, matagal na nilang pinagsabihang huminto sa iligal na gawain si Buquid pero hindi ito nakinig. —Dona Magsino/KBK, GMA News