Arestado ang isang lalaking stay-in helper sa isang sari-sari store sa Davao City matapos niyang saksakin ang kaniyang amo. Ang reklamo ng suspek, siya raw lagi kasi ang inuutusan ng biktima.

Sa ulat ni Sheilla Vergara-Rubio ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si  Jerry Lumabao Alosuran, na trabahador sa sari-sari store ng biktimang si Rodelyn Vergil Mallorca sa Ma-a, Dacao City.

Bigla na lang umanong sinaksak si Alosuran si Mallorca habang nagbibilang ng pera ang huli.

Ayon sa pulisya, hindi maipaliwanag ng suspek ang dahilan kung bakit niya sinaksak ang amo na patuloy na ginagamot sa ospital.

Pero inireklamo raw nito na lagi siyang inuutusan ng biktima kahit mayroon iba pang trabahador.

"Tatlo kaming trabahador, sir. Ako lang ang palaging natatrabaho. Hindi ko kaya lahat," sabi ng suspek, na parang nawala na raw siya sa sarili kaya nagawang saksakin ang amo gamit ang patalim.

Sinampahan na ng kasong frustrated murder si Alosuran.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News