Arestado ang isang guro matapos niya umanong halayin ang 13-anyos niyang estudyante sa Bacolod City.

Ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes, noong Abril pa raw unang nagtangka ang 39-anyos na suspek na pagsamantalahan ang dalagita.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ang kapatid pa raw ng biktima ang nakahuli sa suspek.

"Nakita niya (kapatid) ang biktima, wala nang damit pang-baba," sabi ni Police Major Sherlock Gabana.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang mga paratang laban sa kaniya. Ayon sa kaniya, may relasyon sila ng biktima.

Ayon naman sa mga magulang ng biktima, nagulat na lamang sila na maraming regalong ibinibigay ang guro sa dalagita at hinahatid niya pa ito pauwi.

"Welcome naman daw ang guro sa pamilya ng biktima pero hindi bilang lover o kasintahan ng bata," sabi ni Gabana.

Isinailalim naman ang biktima sa medical examination. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News