Patay ang isang 32-anyos na lalaki nang pagbabarilin habang naglalaro ng billiards sa Cagayan de Oro City.
Nangyari ang krimen sa Barangay Patag ng lungsod noong Miyerkoles ng gabi.
Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktimang kinilalang si MC Rylve Siton Geraldizo.
"Ang biktima ay nagtamo ng tatlong tama ng bala ng caliber .45, at ang sugat niya sa chest, tapos sa hita," pahayag ni Police Major Ian Borinaga, chief ng Police Station 4 ng Cagayan de Oro City.
Ayon sa mga nakasaksi, sumilip muna umano ang suspect sa bilyaran at bigla na lang umano itong pinaputukan ang biktima.
"Nakita ko na lang siyang bumulagta dyan,” pahayag ni Winnie Odog, may-ari ng bilyaran.
Nang tanungin kung namukahaan niya ang suspek, sinabi niyang, “Hindi, madilim kasi dito banda."
Wala umanong maisip na motibo sa krimen ang mga kaibigan ng biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, tinitingnan umano ng mga pulis na motibo ang “personal grudge.”
"Baka may personal grudge siya sa kanyang pinagtatrabahoan o diyan sa bilyaran," ayon kay Borinaga.
Wala umanong nakakilala sa suspect dahil madilim sa lugar kung saan umano pumwesto ang gunman.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa krimen. —LBG, GMA News
