Hindi kotse o jeep, kundi alagang kabayo ang naghahatid sa isang Grade 6 na batang lalaki  papasok sa eskwela araw-araw sa Norala, South Cotabato. 

Makitid, matarik at malabundok ang daan na araw-araw tinatahak ni Mel John Malino para makapag-aral.  

Kumpara sa ibang mag-aaral sa lugar, mas maswerte ni Mel John dahil mayroon silang kabayo, kaya naman inaangkas niya rito ang ibang kaklase.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, madilim pa lang ay gising na si Mel John sa unang araw ng pasukan sa Barangay Tinago.

Hindi ang kaniyang uniporme o gamit sa eskuwela ang unang hinahanda ni Mel John kundi ang kabayo niyang si Norel, saka pa lamang siya maghahanda sa sarili.

Lalarga si Mel John sakay ni Norel, pero iaangkas pa niya ang ilang mga kaibigan papuntang paaralan.

Hindi madali ang bumalanse sa likuran ng isang kabayo lalo't matarik ang daan pababa.

At kung hindi rin sanay ang isang umaangkas sa kabayo ay hindi ito susunod sa kaniya.

Ngunit tila eksperto na si Mel John sa pagsakay sa kabayo.

"Para matulungan ko sila para hindi sila mapagod" sagot ni Mel John kung bakit niya isinasakay ang mga kaibigan.

Kaiba si Mel John sa ibang mga bata, na madalas bisikleta o laruan ang hilig.

"Dahil sa mga kamag-anak, naipaalaga nila 'yung kabayo," ayon kay Adelina Malino, lola ni Mel John.

Madaling malingat ang hindi maingat o alerto dahil mabato at madulas ang ilang bahagi ng kalsada na dinadaanan ni Mel John.

Kamakailan lang, isang truck ang nahulog sa bangin.

Ilan lamang ito sa mga panganib na araw-araw hinaharap ni Mel John at ng ilan pang mga bata sa lugar sa kanilang pagnanais na makapag-aral.

Bukod sa walang maayos na kalsada, wala ring maayos at maasahang sistema ng transportasyon.

Tatlong kilometro ang layo ng bahay ni Mel John mula sa kaniyang paaralan, at hindi madali ang pagdaan dahil mabato ang ruta.

Kaya malaking bagay si Norel dahil hindi pagod si Mel John pagpasok at nakakapag-aral nang husto.

Tatlumpung minuto rin inabot bago nakarating si Mel John at ang mga kaibigan sa paaralan.

Nagbubunga ang pagpupursigi ni Mel John na pagbutihin ang pag-aaral sa kabila ng layo at hirap ng paglalakbay araw-araw,

"May award siya na perfect attendance, so 'yan nakatulong sa kaniya kung paano siya nag-top sa klase. Nakakatulong sa kaniya 'yung kabayo niya," sabi ni Richard Padernal, principal ng Tinago Elementary School.

Ang pamilya ni Mel John ay bahagi ng tribong T'boli at B'laan, mga katutubo na nakatira sa mga bulubunduking lugar ng South Cotabato.

Balakid sa pag-unlad sa buhay ng mga katutubo ang kakulangan ng imprastruktura gaya ng paaralan at mga kalsada, bukod pa sa mga hamon ng pag-aangkin ng kanilang lupain at karahasan dulot ng salpukan ng mga rebelde at militar.

Sinabi ng principal ng paaralan na bihirang may taga barangay Tinago ang tumutuloy at nagtatapos ng high school.

Ito’y dahil mula sa Lower Tinago Elementary School, tatlong kilometro pa ang kailangan tahakin bago marating ang pinakamalapit na high school.

Kung hindi daw maagang nag-aasawa ang mga estudyante, tumitigil na sila para makapagtrabaho at tumulong sa pamilya.

Pangarap ni Mel John na maging isang pulis, at malayo pa ang tatahakin ng munting kabalyero para maabot ito. —Jamil Santos/LDF, GMA News