Namatay ang isang 14-anyos na binatilyo sa Camarines Sur matapos aksidenteng makainom ng insecticide na inakala niyang tubig, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes.
Kinilala ang biktima na si John Axell ng Barangay May-Ogob, residente ng Ocampo.
Ayon sa ulat, uhaw na umuwi si John Exell mula sa paglalaro kaya nang makita ang isang basong tubig sa lagayan nila ng mga pinggan ay agad niya itong ininom.
"Ininom niya kasi pagod siya. Nakita niya dito yung baso akala niya tubig. Ininom niya," sabi ng kanyang ina na si Ruby.
Ilang sandali matapos mainom ang insecticide, nagsuka raw si John Axell. Nang lumala ang kondisyon ng binatilyo ay dinala na siya sa pagamutan.
Nanatili pa ng ilang araw si John Axell sa ospital bago siya pumanaw.
"Sabi ng doctor kung kaunti lang ang nainom, hindi ganoon ang resulta sa katawan niya. Ibig sabihin daw po, ‘pag ganun daw, marami daw," ani Ruby.
Ayon kay Ruby, ginagamit ng kaniyang lola sa mga pananim na sitaw ang insecticide na nainom ni John Axell, pero hindi malinaw kung sino ang nag-iwan nito sa lagayan ng mga pinggan. —Joviland Rita/KBK, GMA News
