Sa loob na ng police car napaanak ang isang ginang sa bayan ng Tagkawayan, Quezon madaling-araw noong Huwebes.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes sinabing dahil sa daan naabutan ng panganganak, mga pulis na ang tumulong sa ginang matapos makahiram ng mga gamit sa bahay na malapit kung saan sila huminto.
Pahayag ni Patrolman John Carlo Mata, “Naghanap kami ng mailaw na lugar at doon na po namin sinubukang mapaanak po 'yung babae."
Nang lumabas na ang baby, agad umanong dinala ng dalawang pulis sakay ng police car ang mag-ina sa ospital.
Ayon kay Patrolman Mata, na isa ring registered nurse, kasama niya sa police car si Patrolman Melvin Joel Agapinan.
Salaysay ni Mata, nagroronda sila nang matyempuhan ang ginang na naghahanap ng masasakyan. Una raw siyang isinugod sa Tagkawayan District Hospital (TDH). Pero, pinalipat ng doktor sa mas malaking ospital sa Naga City.
At dahil walang ambulansiya ang TDH, nagboluntaryo ang dalawa na isakay sa patrol car ang ginang.
"First time po na nangyari sa buhay ko ito," pahayag ni Patrolman Agapinan.
Ayon naman kay Mata, "Ako po hindi kasi ako po'y nurse po.
Ligtas na ngayon ang mag-ina. Ang dalawang pulis naman, bibigyan ng commendation ng Tagkawayan Police. —LBG, GMA News
