Inako na ng isang suspek ang pagpaslang sa lalaking natagpuang patay sa isang septic tank sa Palawan.
Ayon sa ulat ni Rod Evangelista ng RGMA Palawan sa Dobol B sa News TV nitong Linggo, inamin ng suspek na si Jay-ar Colas ang pagpatay kay Erwin Guzman nitong nakaraang linggo.
Natagpuan ang bangkay ni Guzman sa loob ng isang septic tank sa Barangay Bato-Bato, Narra, Palawan. Putol din ang ari nito.
Kasalukuyan nang nakapiit sa Palawan Provincial Jail ang suspek matapos ma-inquest noong Biyernes.
Suspek sa pagpaslang sa lalaking natagpuang patay at putol ang ari sa isang septic tank sa Brgy. Bato-Bato, Narra, Palawan, kasalukuyang nakapiit sa Palawan Provincial Jail; suspek, inako ang krimen. | via Rod Evangelista, Super Radyo Palawan pic.twitter.com/xY2IMV0y2Z
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 6, 2019
Inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa isang construction site sa Roxas, Palawan kung saan siya nagtatrabaho.
Ayon sa suspek, nagdilim ang kanyang paningin nang madatnan niya ang biktima at ang kanyang live-in partner sa kanilang kuwarto sa kanyang bahay na kapwa nakahiga sa kama at natutulog bagamat nakabihis naman.
Galing daw noon ang suspek sa Roxas para sunduin ang live-in partner at ang mga anak nito para doon na manirahan.
Nagulat daw siya sa kanyang nakita kaya't nagawa ang krimen sa mismong bahay nilang tinutuluyan.
Sa press conference na ginanap, inamin ng live-in partner na mayroon silang relasyon ng biktima. —KG, GMA News
