Isang 22-anyos na dalaga ang nasawi matapos siyang barilin sa ulo ng sariling ama na isang pulis sa loob ng kanilang bahay sa Negros Oriental nitong Linggo.
Sa ulat ng GMA News TV Live nitong Lunes, kinilala ang biktima na si April May Ege, residente ng barangay Calindagan sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Dinakip naman ang kaniyang ama na si Police Staff Sergeant Levi Ege, nakatalaga sa mobile unit ng Dumaguete City police station.
Sa imbestigasyon, nagkasagutan daw ang mag-ama nang umuwing lasing si Levi at sinita ng biktima.
Bigla na lang binunot ng ama ang kaniyang baril at pinaputukan sa ulo ang kaniyang anak.
Inamin umano ng kinakasama ni Levi na matagal na umano silang pinagbabantaan ng suspek pero takot silang magreklamo.
Desidido ang mga kapatid ng biktima sampahan ng reklamo ang kanilang ama.
Sasampahan naman ng pulisya ng reklamong administratibo ang suspek at isasailalim sa drug test.
Tumanggi umanong magbigay ng pahayag ang suspek.--FRJ, GMA News
