Isang tatlong-taong-gulang na babae ang nasawi matapos umanong saktan at sakalin ng kaniyang sariling ama sa General Santos City. Hinala ng ina ng biktima, napagbuntunan ng galit ng kaniyang asawa ang kanilang anak dahil tumanggi siyang makipagsiping sa suspek.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Carla Jean Tobio. 

Naaresto naman at nakakulong ang ama niyang si Raldy Boy Tobio.

Ayon sa ina ng bata na si Rowena, bago niya makita ang anak na nahihirapan, humiling daw ang suspek na makipagsiping pero hindi niya pinagbigyan dahil pagod siya sa trabaho.

Kinaumagahan, nagulat na lang siya nang makitang matamlay at hinang-hina ang kaniyang anak at isinumbong ang ginawa sa kaniyang pananakit ng ama.

Dahil sa kawalan ng pera hindi raw nila nadala sa ospital ang bata, at sa sumunod na araw ay binawian na ito ng buhay.

Ayon sa ginang, bukod sa pananakit sa kanila ng suspek, ilang beses na rin daw niya itong nahuhuling gumagamit ng droga.

Dahil sa nangyari, nais ng ginang na mapa-autopsy ang kaniyang anak at ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniyang asawa.

Napag-alamang din na may dati na rin siyang warrant of arrest sa hiwalay na kasong homicide sa Pigcawayan, Cotabato. -- FRJ, GMA News