Isang transport network vehicle service (TNVS) driver na tumangay sa kotse ng kanyang amo ang inaresto sa Kawit, Cavite, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.
Kinilala ang suspek na si Jonas Lagasca na tumangay sa kotse sa Maynila at sinanla pa ito sa isang estudyante sa halagang P27,000.
Ayon sa pulis, lulong daw sa sugal ang suspek.
Sa isang taon daw na serbisyo ni Lagasca, ngayon lang daw ito nangyari.
“These past few days 'di siya nag-baboundary. Kung mag-boundary man, kulang. Until yesterday may nag-text sakin na pumunta sa presinto kwatro (Manila Police District 4) kasi nakakulong na yung driver,” sabi ng amo.
Mismong mga kaanak pa ni Lagasca ang nagsuko sa kanya sa mga pulis, dahil pinagnakawan din daw sila ng suspek.
Tinangka rin daw ni Lagasca na pagbentahan ang isang pulis sa Kawit ng gulong ng kotse sa halagang P1,000.
Hindi na naibalik pa sa estudyanteng napagsanlaan ng kotse ang P27,000.
“Ine-establish ng anti-carnapping(unit) kung papasok sa carnapping o qualified theft,” sabi ng hepe ng Calabash Police Community Precinct na si Police Major Roldan Leceta
Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek. — Joviland Rita/RSJ, GMA News
