Patay ang isang pulis, habang sugatan naman ang isang police woman matapos silang barilin ng isang police trainee sa Bangued, Abra. Ang suspek, mister ng babaeng pulis.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang nasawing pulis dahil sa tama ng bala sa ulo na si Patrolman  Jay Tabili. Sugatan naman si  Patrolwoman Gemalyn Langgoyan.

Ang suspek sa krimen, ang mister ni Langgoyan na si Joseph Langgoyan, na isang police trainee.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na binisita ni Joseph nitong Huwebes ng gabi sa nirerentahang kuwarto ang kaniyang asawa na si Gemalyn. Pero nakita din niya doon si Tabili.

Kasunod nito ay nangyari na umano ang pamamaril ni Joseph sa mga biktima.

Nakuha sa crime scene ang dalawang baril at mga bala.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek.-- FRJ, GMA News