TAGKAWAYAN, Quezon - Dead on arrival sa isang pagamutan sa Naga City, Camarines Sur nitong Biyernes ang isang apat na taong gulang na batang babae dahil sa dengue.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital si Princess Emerald Mendoza.

Ang biktima ay nag-iisang anak ng kanyang inang dalawang buwan pa lang nagtatrabaho sa Hong Kong bilang OFW.

 


Ayon sa lolo ng bata, noong Linggo, Agosto 18 ay nagsimulang lagnatin ang bata. Agad raw nila itong ipina-checkup sa isang pribadong manggagamot sa Tagkawayan, Quezon na kalapit na bayan ng Del Gallego, Camarines Sur kung saan sila nakatira.

Ipinasuri ang dugo ng bata subalit negatibo raw sa dengue dahil normal naman ang platelet nito.

At upang makatiyak ay muli nilang ipinasuri ang dugo ng bata kinahapunan subalit negatibo pa rin ito sa dengue.

Noong Lunes, Agosto 18, ay dinala ang bata sa Maria L. Eleazar Memorial District Hospital sa Tagkawayan dahil hindi bumababa ang lagnat nito. Wala raw pagamutan sa Del Gallego.

Wala naman daw ibang idinadaing ang bata maliban sa pananakit ng tiyan.

Noong mga sumunod na araw ay on and off raw ang lagnat ng bata.

Bahagya raw bumababa ang platelet nito hanggang sa sumuka na ng dugo ang bata.

Nitong Biyernes ng umaga ay nagpasiya na ang doktor na ilipat ang bata sa mas malaking pagamutan.

Naka-ilang ulit sumuka ng dugo ang bata habang nasa biyahe sakay ng ambulansiya papuntang Naga City. Kinalaunan ay nawalan na ng pulso ang bata at namatay.

Acute dengue na raw pala ang sinapit ng bata ayon sa doktor na sumuri sa kanya.

Laking galit ng lolo ng biktima sa doktor at mga nurse sa ospital sa Tagkawayan.

Sana raw ay tinapat agad sila na delikado ang kondisyon ng bata.

Kung napayuhan daw sila agad ay inilipat nila agad ang bata sa mas malaking pagamutan nang mas maaga.

Ayon pa sa lolo ng biktima, lagi raw siyang sumasama sa mga gawain kontra-dengue subalit apo pa pala niya ang mabibiktima.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang doktor ng ospital sa Tagkawayan.

Nakatakdang umuwi na Pilipinas nitong Sabado ng gabi ang ina ng bata. 

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III nitong Agosto 11, lumampas na sa epidemic threshold ang bilang ng mga kaso ng dengue sa 11 na rehiyon sa bansa, kabilang ang Calabarzon at Region V.

Una nang nagdeklara ng national dengue epidemic ang Department of Health nitong Agosto 6. —KG, GMA News