Patay ang mag-aamang sakay ng motorsiklo matapos silang maaksidente sa Polanco, Zamboanga del Norte, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.
Base sa police report, pinapatakbo ang motorsiklo ni Romulo Yarag angkas ang tatlo pa niyang anak.
Napunta sila sa kabilang lane kaya nabangga ng kasalubong na SUV.
Pumailalim sa sasakyan si Yarag at ang isa niyang anak habang tumilapon naman ang dalawa pa niyang anak.
Dinala sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival.
Sumuko na sa mga pulis ang driver ng SUV. —KBK, GMA News
