Nauwi sa engkuwentro ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa isang grupong sangkot umano sa pagbebenta ng baril sa Bulacan pasado hatinggabi, ayon sa report ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Sa isang gasolinahan sa Barangay Poblacion sa Sta. Maria, Bulacan nagtapos ang buhay ng magtihuying sina alyas Johan at Kojak.

Unang nakipagkasundo ang dalawa na makipagkita sa Malinta, Valenzuela para i-deliver ang apat na baril na inorder ng isang operatibang nagpanggap na buyer sa lider ng magtiyuhin na si Ednamsug de Guzman.

Nakapagdeposito na ang mga operatiba ng inisyal na bayad bago ang transaksiyon pero pinalipat sila sa Marilao hanggang mapunta sa Sta. Maria.

Doon na raw napansin ng CIDG na nagdahan-dahan ang kotse na sinasakyan ng magtiyuhin.

"Ang akma ay iba-blocking na 'yung sasakyan hanggang sa makita nilang pulis. Kumanan sila rito hanggang sa pinutukan nila palapit na pulis. Gumanti 'yung pulis para protektahan 'yung kanilang mga sarili," ayon kay Police Lieutenant Colonel Charlie Cabradilla, CIDG-Camanava chief.

Dead on the spot ang magtiyuhin na nakuhanan ng mga baril. Si De Guzman, na nakasakay sa isang SUV, naaresto.

Nag-o-operate daw ang grupo sa Camanava at ilang bayan sa Bulacan.

Si De Guzman nakulong noong nakaraang taon dahil umano sa pagtutulak ng shabu sa Bocaue pero nakapagpiyansa.

Nakuha sa likod ng SUV ang dalawang baril at nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu.

"Kakain ho sana kami diyan. Tapos hinarang na kami. Galing ho kami ng NLEX," sabi ni De Guzman.

Hindi raw sila nagbebenta ng baril at hinabilin lang daw sa kanya ang mga ito.

Mahaharap si De Guzman sa mga reklamong illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —BAP/KG, GMA News