Patay matapos malunod sa hukay ang 1-taong gulang na batang babae sa Camarines Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Kuwento ng nanay ng batang si Angel Rose Lavapie, hindi niya napansing lumabas ng bahay ang anak.

Isang kaanak ang nagsabing nahulog si Angel Rose sa hukay ng ginagawang tore ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Posibleng nadulas raw ang bata sa nakatambak na lupa at nahulog sa hukay.

Dagdag pa ng ina ng bata, walang harang sa nasabing hukay.

Taliwas ito sa sinasabi ng trabahador.

Wala pang pahayag ang NGCP kaugnay nito, Pero tiniyak ng foreman na magbibigay ng tulong-pinasyal ang kanilang kumpanya. —GMA News