Sugatan ang isang aso matapos sabuyan ng kumukulong tubig sa Bambang, Nueva Vizcaya, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.
Kuwento ng mga nanggagalaiting saksi, nakita na lang daw nilang binuhusan ng kumukulong tubig ang aso.
Ang dahilan, naispatan umano ng residenteng nagsaboy ng tubig ang asong nakikipagtalik sa kapuwa aso.
Sa tindi ng paso, nalagas ang buhok at nalapnos ang ibabang bahagi ng katawan ng aso.
Bagamat inaalam pa ang pagkakakilanlan ng salarin, pinag-aaralan na ng mga naka-saksing kapitbahay ang pagsasampa ng reklamo. —KBK, GMA News
