Sinuntok na, pinaso pa sa mukha ang isang batang lalaki ng kanyang sariling ama sa Tukuran, Zamboanga del Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.

Kuwento ng ina ng biktima, isinumbong sa kanya ng anak ang pambababae at pag-inom ng kanilang padre de pamilya. Dahil sa selos, sinugod ng nanay ang kanyang mister pero sinaktan siya nito.

Dito na nagsumbong sa barangay ang nanay.

Nang pauwi na galing barangay hall, nakasalubong niya ang anak na may paso sa mukha.

Kuwento ng bata, sinuntok siya ng ama sa dibdib at pinaso sa mukha gamit ang lampara.

Inaresto ng mga pulis ang suspek pero pinalaya rin dahil hindi nagsampa ng reklamo ang misis niya.

Aminado ang suspek at nag-sorry sa nagawa. —KBK, GMA News