Nagbigay na ng pahayag nitong Linggo ang Tau Gamma Phi, San Pablo City, Laguna council tungkol sa hazing na pinaniniwalaang sanhi ng pagka-stroke ng isang initiate nito na si Jonathan Concordia, 18-anyos.
Sa eksklusibong panayam ng GMA News, sianbi ng naatasang maging tagapag-salita na si Nestor Reyes Jr., "Kusang loob raw na sumali si Concordia sa Tau Gamma Phi Fraternity."
Kinumpirma rin ni Nestor Reyes na noon nga raw September 15 ay sumalang si Concordia sa final initiation rites o hazing ng Tau Gamma Phi LSPU Chapter.
"Naka survive raw ito at nakauwi ng maayos. Bakit makalipas ang halos 10 araw ay saka nangyari sa kanya ang problema," pahayag ni Reyes.
Lahat umano ng sumasali ay tinitiyak na maayos ang health condition at dapat ay nagpa-medical.
Dagdag ni Reyes, imposible umanong mawawala ang hazing dahil tradisyon na ito kahit saang fraternity. Ang sinasabi raw ng Anti Hazing Law ay i-regulate ito at hindi alisin.
Papasok lang raw ang Anti Hazing Law kung namatay ang isang neophyte during hazing, na siyang naghihiwalay sa fraternity sa ibang karaniwang organisasyon.
Pwede naman umano silang gumawa ng Tau Gamma Phi organization pero wala raw sasali kung walang hazing.
Ayo pa kay Reyes, may namamatay talaga sa hazing kahit na saang fraternity. Sa ngayon raw ay hindi naman grabe ang hazing sa Tau Gamma Phi dahil 20 lang ang palo hindi tulad noon.
Ang nakita raw na mga paso sa likod ni Concordia ay mga patak lang ng kandila. Ginagawa ito upang lalong mahalin ng sasali ang kapatiran. Binubuo raw ang hugis ng official seal ng Tau Gamma Phi sa pamamagitan ng kandila.
Hindi na raw mawawala o matatanggal ang hazing. Kailangan raw talaga ito. Paala-ala ni Reyes, hindi raw sila namimilit na manghikayat sa mga nais sumali.
Dagdag pa ni Reyes, ang nangyaring pag-hazing kay Concordia ay isang parte lamang ng dahilan ng pagka-ospital nito. Posibleng may dati na raw itong sakit.
May mensahe rin ang Tau Gamma Phi sa pamilya ni Concordia: Nalulungkot raw sila sa pangyayari. Humihingi raw sila ng paumanhin kung sila ang itinuturong responsable sa pangyayari. Sana raw ay buksan ng mga kaanak ni Concordia ang puso na sila ay kausapin. Handa raw silang makipag tulungan.
Sana rin raw ay huwag silang husgahan at huwag tawaging barbaro. —LBG, GMA News
