Trahediya ang sinapit ng isang lalaking sakay ng motorsiklo matapos siyang magulungan ng kasalubong na truck sa Tanjay, Negros Oriental. Ang biktima, nag-overtake daw muna sa isang sasakyan bago maganap ang aksidente.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Narciso Piñero, isang pharmacist at patungo na sana sa trabaho nang mangyari ang insidente sa national highway.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nag-overtake umano sa isang sasakyan ang biktima at nasagi kaya nawalan ng balanse.
Nagkataon naman na may paparating na kasalubong na truck sa kabilang linya ng kalsada kaya nasagasaan ang biktima.
Nasa kostudiya na ng mga pulis ang driver ng truck at sasakyang nasagi ng biktima. --FRJ, GMA News
