Dalawang tao ang isinugod sa ospital matapos bumigay ang octopus ride na kanilang sinasakyan sa Limay, Bataan nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion para sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may nabaling "pin" sa isa sa mga metal arm ng octopus ride kaya ito nasira.
“Nagpa-panic (ang mga pasahero) no’ng nahinto na ang rides. Malakas na po ang lagutok niya tapos biglang bumagsak,” anang saksing si Benedict John Sancho.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, wala sa kaniyang puwesto ang nagpapatakbo ng ride kaya hindi nito napigilan ang aksidente.
“Maling mali ho ‘yun, hindi dapat ginawa ng operator ‘yun,” sabi ng municipal engineer ng Limay na si Engr. Roger Casuga.
Hindi na raw magsasampa ng kaso ang mga biktima laban sa may-ari ng amusement park dahil nagkaayos na raw ang magkabilang panig.
Bukas pa rin ang peryahan matapos ang insidente, ngunit hindi na muna pinapayagang mag-operate ang rides tulad ng octopus.
Nakita naman ng mga taga-Public Safety Office ng Limay na tadtad ng kalawang ang maraming parte ng mga rides, lalo na ang ferris wheel at roller coaster.
Sabi ng pulisya, dapat daw na magsilbing aral ang nangyari sa Limay para sa mga may-ari ng peryahan.
"This is a wake-up call doon sa mga nagpeperya at doon sa nag-iisyu ng permit na sana before issuance of permit and before operation ay ma-check nila ang kanilang mga rides,” ani ni Limay chief of police Major Emelito dela Cruz. —Julia Ornedo/LDF, GMA News
