May saksak at nakatali ng bra ang mga kamay ng isang 19-anyos na babae nang matagpuan sa isang damuhan sa Janiuay, Iloilo. Ang suspek, nahuli nang ituro ng "saksi" na kinalaunan ay natuklasang may ginawa ring kahalayan sa biktima.

Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Ronalyn Bravio, na ginahasa rin umano at pinalo ng matigas na bagay sa ulo.

Napag-alaman na nag-tiangge lang sa Janiuay ang biktima pero hindi na siya nakauwi nang buhay.

Walang saplot ang katawan ng biktima nang natagpuan.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na hinarang ng salarin ang biktima, binusalan, at dinala sa madamong lugar kung saan natagpuan ang kaniyang hubad na bangkay.

Sa tulong ng isang "saksi," naaresto ang pangunahing suspek na 40-anyos na pinsan pala ng biktima.

Ang naturang saksi, ang binatilyong anak ng suspek na kinalaunan ay natuklasang kasama sa humalay sa biktima, na kaniyang tiyahin.

Pag-amin umano ng binatilyo, tinawag siya ng kaniyang ama patungo sa kinaroronan ng kaniyang tiyahing biktima at inutusang halayin.

Dahil sa takot, napilitan daw siyang sundin ang utos ng ama.

Sinaksak umano ng ice pick ang biktima at saka ginahasa.

Binalak pa raw ng kaniyang ama na ilibing ang biktima pero hindi na ito nagawa.

Ayon naman sa ama ng biktima, ilang beses nilang nahuli noon ang suspek na naninilip sa kaniyang mga anak.

Noong una, itinanggi pa ng suspek ang paratang pero pero umamin din siya kalaunan.-- FRJ, GMA News