Isa ang patay at 21 naman ang sugatan matapos magkasalpukan sa Rodriguez, Rizal ang isang pampasaherong jeep at Elf truck.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa “QRT”, kasama umano ang nasawi sa mga pasaherong tumilapon pa mula sa punong jeep.

Nangyari ang aksidente sa isang bahagi ng zigzag road sa Barangay San Jose sa Rodriguez, Rizal, mag-aalas-10  ng Martes ng gabi.

Base sa salaysay ng mga pasahero, nawalan umano ng preno ang jeep.

Sa lakas ng pagkakabangga, nabasag ang windshield ng truck.

Puno ng mga pasahero ang jeep at tumilapon pa raw ang ilang sakay nito maging ang driver.

“Nakita ng driver na parang ang bilis pababa. Pinatagilid niya. Naabot pa rin kami. Sumalpok iyong jeep sa gilid namin. Mabilis,” sabi ni Alicia Solis, isa sa mga sakay ng truck.

Isinugod sa ospital ang mga sugatan.

“Halos hindi na rin ako makababa sa jeep kasi tulo na ng tulo iyong dugo ko sa ulo,” sabi ni Ley-An Angeles, isa sa mga pasahero.

“Doon pa lang sa itaas ng zigzag gumulong na iyong jeep. Kung hindi siya nabangga doon sa nakasalubong na sasakyan dederetso po talaga kami dapat sa bangin,” Lenie Lucas, isa pang pasahero ng jeep.

“Sabi ko hindi na yata ako makakauwi ng buhay, eh. Mabuti na lang ulo lang ang tama ko saka itong sa likuran. Pero may ibang kawawa iyong mga babae, halos matapakan,” Mer Domingo Nano, isa ring pasahero.

Posible raw maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple physical injuries ang driver ng jeep. —NB, GMA News