Arestado ang isang lalaki matapos umanong tangayin ang isang truck sa Davao City.

Ayon sa ulat ni Chino Gaston sa “24 Oras”, hindi naging madali ang paghuli sa suspek na nag-counterflow at nakabangga pa ng ilang sasakyan habang nakikipaghabulan sa mga awtoridad.

Kasabay ng sirena at busina ng pulis ang mala-pelikulang paghabol sa Elf truck na tinangay umano mula sa Santa Ana Wharf sa Davao City.

Dinidikitan ng motorsiklong dala ni Police Auxiliary Joseph Tacson ang truck pero tuloy ang harurot nito.

Pagdating sa isang tulay, tinangka itong harangan ng isang pick-up gayundin ng isang L300 van pero hindi sila umubra.

Huminto na ang truck ang maharangan ito ng isa pang pick-up truck.

Pinabababa pero ayaw sumunod ng bente-siete anyos na suspek.

Para makasigurong 'di na ulit makakatakas, binutas ng pulis ang mga gulong ng truck.

Pahirapan pa ring pababain ang suspek kahit napaligiran na siya ng mga pulis at traffic enforcer.

Ang suspek na duguan ang mukha, nagmatigas, kumapit sa truck at ayaw bumaba.

Pumapalag pa rin siya kahit naposasan na.

Ayon sa pulisya, apat ang nadamay sa insidente na nangyari nitong November 12.

Dalawa sa mga biktima ay pulis at airman sa Philippine Air Force na naunang umawat sa suspek pero tinakasan nito.

Nasa kustodiya na ng Santa Ana police ang suspek.

Hindi kinilala ang suspect na ayon sa kanyang mga kaanak ay  may sakit umano ito sa pag-iisip at hindi nakainom ng gamot.

Gayunman, mahaharap pa rin siya sa mga reklamong direct assault, damage to property, carnapping at hit-and-run. —NB, GMA News