Kahit isa laban sa dalawa ang sitwasyon, hindi inatrasan ng bantay ng isang computer shop sa Santa Rosa, Laguna ang dalawang lalaking nanggulo sa loob ng establisimyento.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, makikita ang isang lalaking nakaitim na t-shirt at kasama niyang lalaki na nakahubad na pumasok sa isang computer shop na may mga tao.
Ilang saglit pa, nilapitan ng nakahubad na lalaki ang isang nakaupo at bigla niyang pinagsusuntok.
Kaagad namang umawat ang bantay ng computer shop pero siya man ay pinagsusuntok din ng dalawang lalaki kaya lumaban na.
Makikita na natumba ang dalawang lalaki sa suntok ng bantay ng computer shop bago sila naawat.
Ayon sa ilang residente, pangalawang beses nang nangyari ang panggugulo ng dalawang lalaki sa parehong computer shop.
Nagkaayos naman daw ang mga sangkot sa gulo nang dalhin sila sa barangay.-- FRJ, GMA News
