Patay ang dalawang pulis habang sugatan ang apat pa nilang kasamahan na pulis sa aksidente sa Malangas, Zamboanga Sibugay nitong Lunes ng hapon.
Nangyari ang aksidente alas-dos ng hapon sa Purok 3, Barangay Guilawa.
Kinilala ang mga nasawi sa aksidente na sina Police Corporal Jource Jake Celestial at Police Corporal Alexander Laquinon Jr.
Sugatan naman sina Police Corporal Rommel Apiong, Police Patrolman Estephen Rey Alicando, Patrolman Arcel Matugas at Patrolman Logie S. Cerbo.
Pawang mga nakadestino sa Malangas Municipal Police Station ang mga pulis na nasangkot sa aksidente.
Base sa imbestigasyon, nakasakay ang anim na pulis sa isang Navarra Frontier pick-up truck na minamaneho ni Apiong patungo sa bayan ng Diplahan.
Nag-overshoot daw ang sasakyan sa pakurbadang bahagi ng kalsada sa Purok 3 sa Barangay Guilawa, at bumangga ito sa puno ng mahogany.
Nagmistulang lata ang pick-up truck.
Isang motorsiklo rin ang nadamay sa insidente.
Nagtulong-tulong ang mga residente para masaklolohan ang mga naaksidente.
Itinakbo sa Wilfredo Palma Memorial Hospital sa Diplahan ang mga pulis subalit dalawa sa kanila ang idineklarang dead on arrival.
Nabatid na inatasan ang anim na pulis na pumunta sa Diplahan para kunin ang mga materyales na kakailanganin sa Christmas party nitong Miyerkoles, Disyembre 17.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa aksidente. —KG, GMA News
