ILIGAN CITY - Isang 15-anyos na dalagita sa Iligan City, Lanao del Norte ang ginahasa umano nitong Sabado ng dalawang menor de edad na nakilala lang sa social media.
Isa sa nasabing suspek ay 15-anyos din.
Naganap ang nasabing panggagahasa ala-una ng madaling araw sa Barangay Abuno.
Ayon kay Police Lieutenant Rodney Gere, nasa state of shock pa ang biktima.
Sinabi raw ng biktima na pinagtulungan umano siya ng anim na kalalakihan.
Pero sa pagsusuri ng pulisya nang mahuli na ang lahat ng suspek, napag-alamang dalawa lang palang menor de edad ang gumahasa umano sa kanya.
Kuwento ng biktima, bandang alas-10:30 ng gabi noong Biyernes ay umalis siya sa kanilang bahay upang dumalo sa birthday party sa imbitasyon ng isang suspek na si Alyas Tingting, na naging kaibigan niya sa Facebook.
Pagdating umano nila sa nasabing address, pumunta umano sila sa isang kubo at hinintay ang mga kasamahan nito.
Nag-inuman sila at nalasing.
Pagka-alis ng mga kainuman, naiwan ang biktima sa kubo kasama ang suspek at doon na nangyari ang umano'y panghahalay.
Matapos ang insidente, iniwan umano ng suspek ang biktima. Doon na siya bumangon at naghanap ng makakatulong sa kanya.
Sa kanyang paglalakad ay nakita niya ang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) na nagpapatrol.
Agad namang nagsagawa ng pursuit operation ang kapulisan.
Dahil may binigay na larawan ng suspek mula sa Facebook ang biktima, nahuli ng mga pulis ang nasabing suspek kasama ang apat pang mga kaibigan nito.
Ayon kay Police Lieutenant Rodney Gere, inamin ng suspek ang panghahalay.
Kuwento ng may-ari ng kubo, nasa birthday party sila at kumakain at nag-iinuman nang lumapit si Alyas Tingting.
Nakiusap daw ito na mahiram ang motor para sunduin muna ang kanilang mga "chicks" para makasama sa birthday party.
Aniya dalawa sana raw sila pero isa lang ang sumama. Hindi raw niya alam na mga menor de edad sila.
Nang malasing na umano ang may-ari, sinabi umano niya sa mga kasamahan na umuwi na sila dahil maingay daw sila.
Sinabihan pa umano niya ang biktima na umuwi na at nag-offer pa siya na ihatid ito sa kanila.
Pero ayaw daw umuwi ng biktima kaya't isinara niya ang kubo at isa-isa na silang umuwi.
Naiwan daw ang tatlong mga menor de edad.
Hawak na ng Department of Social Welfare and Development ang biktima para matulungan itong maka-recover sa pangyayari.
Ang dalawang suspek na menor de edad ay nasa pangangalaga ng Bahay Pag-asa.
Sa Lunes nakatakdang sampahan ng kasong rape ang dalawang suspek, habang ang apat namang kasama nito ay mahaharap sa kaso bilang accomplice. —KG, GMA News
