Dalawang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo ang napatay nang manlaban daw sa pulisya nitong Martes ng gabi sa Dasmariñas, Cavite, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV, makikitang nag-iisang nagmomotorsiklo ang babaeng biktima sa Brgy Salitran 2. Pagliko niya ng kalsada ay sinundan siya ng dalawang riding in tandem at patuloy siyang binuntutan.
Hindi na nakunan ng CCTV ang mismong pang-aagaw ng motorsiklo pero makikitang tangay na ng mga suspek ang motorsiklo ng babae.
Bago maghatinggabi, wala pa halos isang oras, ang nanakaw na motorsiklo ay nabawi ng mga pulis. Patay ang dalawa sa mga suspek nang manlaban umano sa mga awtoridad.
Wala pa silang pagkakakilanlan. At large naman ang dalawang iba pang nakunan sa CCTV.
Ayon sa pulisya, agad silang nagpatrolya nang magsumbong ang biktima na inagawan siya ng motorisklo. Inabutan nila sa Paliparan Road ang dalawang lalake na may binubutinging na motorsiklo.
Dumating sa encounter site ang biktimang babae at kinumpirmang sa kanya ang motorsiklo.
Tumanggi siyang humarap sa camera dahil sa trauma. Nagkasugat siya sa siko dahil sa pagpupumiglas. Tinutukan pa raw siya ng baril sa leeg. —KBK, GMA News
