QUEZON - Umakyat na sa siyam ang mga nag-positibo sa COVID-19 sa probinsiya ng Quezon.

Lima dito ay nasa Lucena City, ang sentro ng lalawigan, ayon sa Integrated Provincial Health Office.

Ang mga persons under investigation (PUI) ay umabot sa 207.

Isa naman sa tatlong PUI na nasawi ay nag-negatibo sa COVID-19.

Samantala, isinailalim na sa total lockdown ang Lucena City, ayon kay Police Colonel Romulo Albacea, hepe ng Lucena City Police.

Doble higpit na ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

Nagpasya naman ang City Health Office na gawing pansamantalang COVID-19 center ang isang abandonadong hotel sa Barangay Ilayang Dupay.

Angkop ito dahil malayo sa bayan. Malawak at maraming silid na magagamit.

Dito raw dadalhin ang mga persons under monitoring (PUM) at PUI na naka-quarantine.

Maaari rin daw dalhin dito ang mga magpo-positibo sa COVID-19 kung lulubha pa ang sitwasyon. 

Sinimulan na ang paglilinis sa hotel at maaari na raw itong magamit itong linggong ito.

Ayon sa Department of Health nitong Lunes ng hapon, may naitalang 1,546 na na kaso ng COVID-19 sa bansa dahil na rin sa mas maraming test na nagagawa.

May 78 na nasawi at 42 ang naka-recover.

BASAHINCOVID-19 Dashboard: Summary of Cases in the Philippines

—KG, GMA News