Ilang kalalakihan ang naaresto ng mga awtoridad sa isang drug den sa Lipa, Batangas. Ang ilan sa kanilan, benepisyaryo ng social amelioration program (SAP) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kasama sa mga naaresto ang pangunahing target sa operasyon na si Alex Dayao, alias Kamote, na may-ari ng bahay na ginagamit na drug den.

"Hindi natin alam na 'yung pera na galing sa SAP at saka mga ayuda galing sa LGU, baka ipinambibili ng bawal na gamot. Kaya dapat turuan ng leksyon ang mga ito," ayon sa isang operatiba.

Sa isinagawang pagsusuri sa nasabat na kontrabando, nagpositibong droga sa mga suspek. Siyam na naaresto, nagpositibo sa drug test ang apat.

"'Yung mga nakuha nating cellphone sa mga nahuling tao, ito ay isa-subject natin sa forensic examination," ani Eric Distor, and direktor ng National Bureau of Investigation.

"Doon makikita natin kung sino ang ka-deal nila, kausap nila, at 'yung mga nag-deliver sa kanila ng drogo kahit panahon ng ECQ," idinagdag nito.

Samantala sa Sta. Rosa, Laguna, dalawang lalaki na nagtutulak umano ng droga ang napatay ng mga awtoridad sa buy-bust operation.

Kabilang sa napatay ang target umano ng operasyon na sangkot din daw sa panghoholdap.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News