Hulicam ang naganap na panloloob sa bahay ng isang public official sa Calamba, Laguna.

Sa Ronda Probinsiya portion ng Unang Balita nitong Biyernes, makikitang tinalon ng mga kawatan ang bakod ng bahay at ipinaling pa pataas ang CCTV camera para hindi sila makilala.

Natangay ng limang magnanakaw ang alahas, relo, mamahaling sapatos at pera sa loob ng bahay na pag-aari ng hepe ng Public Order and Safety Office ng Calamba.

Nahuli ang mga salarin maliban sa isa matapos silang mamukhaan sa video. Napag-alaman din na ilan sa kanila ay menor de edad.

Maging ang mga bumili ng mga ninakaw na kagamitan ay inaresto rin. KBK, GMA News