Isa ang pagtay, isa ang sugatan sa raid ng mga pulis sa isang iligal na sabungan sa Tiaong, Quezon, ayon sa mga pulis.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Jaime Matira, 62-anyos.

Ayon sa anak ng biktima, nanonod lamang ng tupada ang kanyang ama nang biglang dumating ang mga pulis.

Nag-warning shot umano ang mga ito kaya nagtakbuhan ang mga tao. Ilang putok pa umano ang umalingawngaw at pagkatapos nito, doon na napatay ang kanyang ama.

Bukod kay Matira, nasugatan naman ang isang lalaki na nagpastol lamang ng kaniyang baka malapit sa lugar.

Inamin ng Tiaong Police na mga tauhan nila ang nang-raid sa sabungan.

Iniimbestigahan na umano ng Tiaong Municipal Police Station ang insidente. —LBG, GMA News