Nasawi ang isang 16-anyos na dalagita matapos siyang pagsasaksakin ng sarili niyang bayaw, na nagsabing binulungan at sinapian daw ito ng engkanto kaya nagawa ang krimen sa Maragondon, Cavite.

Sa ulat ng GMA News "Saksi," sinabing natutulog ang biktima nang lapitan siya ng kaniyang bayaw at pinagsasaksak ng 12 beses.

Paliwanag ng suspek, tila may naririnig siyang bumubulong na boses at nag-uutos na patayin niya ang kaniyang hipag.

Ayon pa sa kaniya, sinapian siya ng engkanto.

Hindi naman tinanggap ng pulisya ang dahilan ng suspek.

Nakakulong na ang lalaki na nahaharap sa reklamong murder. —LBG, GMA News