Walong saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ng isang dating OFW sa Villasis, Pangasinan. Ang salarin, ang mismong nakababata niyang kapatid na nakaalitan niya matapos ang kantiyawan sa online game.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Michael Verzola, 34-anyos.

Naaresto naman ang suspek na si Johnny Verzola, na labis na nagsisisi sa kaniyang nakagawa sa kaniyang kuya.

Sinasabing nangyari ang trahedya sa pamilya araw pa man din ng selebrasyon ng kaarawan ng kanilang ama.

Ayon kay Police Major Christian Alucod, hepe ng Villasis Police Station, nagkaroon ng pagtatalo ang magkapatid na nauwi sa hamunan at humantong sa pagkamatay ng biktima.

"Nagkaroon ng misunderstanding hanggang sa dumating sa punto na chinallenge ng victim yung suspect na lika magpatayan tayo," anang opisyal.

May hawak daw na panabas ang biktima habang kumuha ng patalim ang suspek.

Pinagsisisihan naman ng suspek ang kaniyang nagawa dahil umano sa labis nilang kalasingan.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang kanilang mga kaanak.--FRJ, GMA News