Balisa at kung minsan ay hindi raw makausap nang maayos ang isang 16-anyos na babae dahil sa ginawang pang-aabuso ng kinakasama ng kaniyang ate sa Vigan City, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabi ng ama ng biktima na naaktuhan ng isa pa niyang anak ang ginawang panghahalay ng suspek sa biktima, na bunso sa magkakapatid.

Napag-alaman din sa sumbong ng dalagita na nagsimula raw siyang abusuhin ng suspek noong Marso 2020.

Pero hindi raw nagawa ng biktima na magsumbong dahil sa pagbabanta ng suspek at tinutukan din daw siya ng patalim sa leeg.

Hinanakit ng ama ng biktima, maayos naman ang naging pakikitungo nila sa suspek kaya hindi nila akalain na pagsasamantalahan nito kaniyang bunsong anak.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.--FRJ, GMA News