STA. ELENA, Camarines Norte —Nadiskubre ng mga awtoridad umaga nitong araw ng Linggo ang bangkay ng isang babae sa loob ng inabandonang kotse sa gilid ng Maharlika Highway, Barangay Don Tomas, Santa Elena, Camarines Norte.

Pahayag ng mga pulis, nasa advance stage of decomposition na ang bangkay kaya napansin ng mga residente sa lugar ang masangsang na amoy na nagmumula sa kotse.

Ayon sa mga residente, Huwebes ika-22 ng Hulyo 22 ng madaling araw pa nila napansin ang kotse sa gilid ng highway.

Akala umano nila, nasiraan lamang ang sasakyan at iniwan doon ng may-ari.

Noong Sabado, nagtaka na umano ang mga residente dahil wala pang kumukuha sa kotse.

Hanggang nitong Linggo ng umaga, nilapitan na ang kotse ng isang residente dahil sa masangsang na amoy na nagmumula dito.

Nang silipin ang loob ng sasakyan, doon na nakita ang bangkay.

Base sa report ng Santa Elena Municipal Police Station (MPS), may record sa border checkpoint ng Camarines Norte ang pagpasok ng kotse sa probinsya noong July 19, 2021, lulan ang dalawang tao.

Kasama ang mga kinatawan ng PNP Explosive Ordnance Disposal unit, ay sinuri muna ng mga awtoridad ang kotse bago ito binuksan upang matiyak na ligtas ito.

Sa pagsisiyasat ng SOCO sa crime scene, nakita ang mga ID at iba pang dokumento sa bag ng babae.

Nakita sa isang ID ang pangalang Mary Ann Galicia Esguerra ng Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Nanawagan ng Santa Elena Municipal Police Station sa mga nakakakilala kay Mary Ann Esguerra na makipag ugnayan sa kanilang tanggapan.

Nitong Linggo ng hapon, positibong kinilala ng kanyang kaanak ang biktima na natagpuan sa loob ng inabandonang kotse.

Nagtungo sa Santa Elena MPS ang kaanak at kinilala ang bangkay na si Mary Ann Galicia Esguerra ng Paracale, Camarines Norte.

Ayon sa mga pulis, ilang araw na umanong hinahanap si Mary Ann.

Nakatakdang isailalim sa autopsy sa Lunes, July 26, ang labi ng babae upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay nito.

Inaalam na rin umano kung sino ang huling kasama ng biktima ng huli itong makitang buhay pa. —LBG, GMA News