Nalunod ang isang negosyanteng Tsino matapos siyang magpumilit umano na mag-jetski sa Caliraya Lake sa Laguna kahit pa na nakainom.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang Chinese national na si Yang Zhou, 23-anyos.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakipag-inuman ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa ipinagagawa nilang resort nang maisipan niyang mag-jetski.

"Ang sabi ng kanilang mga kaibigan ay pinigilan [siya] na huwag nang paandarin ang jetski kasi nga po siya ay nakainom. Noong siya po ay nagpatakbo na ng jetski, pagliko niya ay nagsemplang, so siya po ay tumilapon sa tubig. Nahirapan ang mga kasamahan na i-save siya," sabi ni Police Colonel Serafin Petalio II, Provincial Director ng Laguna PPO.

"Ang nangyari, bumalik sila sa pampang then tumawag na ng saklolo," dagdag ni Petalio.

Dahil nakainom, nahirapang lumangoy si Zhou kaya tuluyan siyang lumubog sa ilalim ng lawa.

Sinuyod ng Cavinti Police ang lawa kasama ang ilang private divers para sa kanilang search and rescue operation nitong Linggo.

Nakuha ng pulisya at rescue team ang bangkay ng Chinese matapos ang mahigit pitong oras na paghahanap.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung may nangyaring foul play ang pagkamatay ng dayuhan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News